Friday, September 9, 2016

KARATULA

Aligaga ang mga hakbang ni Abet. Mahigpit ang hawak niya sa beinte pesos. Naririnig pa niya ang tibok ng dibdib ng kanyang kapatid. Mga ubong 'di mailabas-labas. Tinahak niya ang eskinita, gabay ang aandap-andap na liwanag ng ilaw sa poste ng meralco. Ilang beses na rin niyang tinahak ito. Wala pa ring pagbabago.

Napatigil si Abet. Muli na namang kumidlat. Napabuntung-hininga siya. Naisip ang manipis na katawan ng isang onse anyos sa iniwang kariton. Hindi bale, may karton naman na pwedeng maging tanggulan. Ilang minuto lang ang gugugulin niya upang makabalik. Kapit lang kapatid.
Parang trapik sa edsa ang utak niya.

Narating niya ang bukana ng eskinita. Sa dulo nakita niya ang mercury drug store. Bumilis ang lakad niya papunta rito. Pero napatigil siya panandali dahil naamoy niya ang bango ng pandesal sa kabilang kanto. Lumingon siya. Pumihit ang kanyang mga paa. Atubiling humakbang patungo roon. Napatigil siya at bahagyang sinulyapan ang papel sa kanyang kaliwang palad. Muli ay nilingon niya ang kabila. Rumagasa ang isang alalahanin.

Paano bukas?

Nagbuntung-hininga si Abet. Nagkamot ng ulo saka napailing. Pumihit siya pabalik sa mercury.
Mabilis ang takbo niya. Natatapilok pa siya habang mahigpit ang hawak sa supot. Sandali na lang kapatid. Matitighang na ang kumakalam na sikmura. Matatapos na rin ang kalbaryo sa kariton.
Nasa kalagitnaan na siya nang bigla ay umalingawngaw ang isang sirena. Napatigil siya. Sa dulong pinagmulan niya ay kanyang nalingon ang isang aninong dumaan. Mabilis at parang hinahabol ng limang demonyo. Sinundan iyon ng ilaw na nagmumula sa headlights ng isang kotse. Lumakas ang tunog ng sirena. Napakunot ng noo si Abet.

Itinuloy ni Abet ang pagtakbo. Mabilis na nawala sa kanyang paningin ang patrol car. Unti-unti nang pumapatak ang ulan. Nilundag na niya ang madulas at maputik na eskinita. Narinig na naman niya ang sirena. Palakas nang palakas. Napalingon siya. Nakita niya ang patrol car na tumigil sa dulo. Sa malamlam na liwanag ng ilaw sa poste ay naaninag niya ang pababa ng dalawang anino. Nakauniporme ng kulay asul ang mga ito. At may sukbit na mga batas sa tagiliran. Bumunot ang isa. Malalaki ang hakbang ng mga ito palapit sa kanya.

"Totoy relaks ka lang huwag kang tatakbo." narinig niya ang bruskong tinig.

Napalunok si Abet. "Boss ano ang ginawa ko?"

"Relaks lang sabi."

Nanginig ang katawan ni Abet. Nauna ang kanyang utak papunta sa kariton. Narinig niya ang tawag ni Len-len sa pagitan ng mga ubo. Umaatras si Abet. Natrapik na naman sa edsa ang utak niya.

"Sandali, totoy!"

Umalingawngaw ang isang putok. Bumuhos ang malakas na ulan. Bumagsak si Abet. Tumilamsik ang mga putik sa kanyang mukha. Namanhid ang kaliwang dibdib niya. Mainit ang butas na nagmumula sa kanyang likod. Nangisay si Abet. Hindi na niya marinig ang ubo ng manipis na katawan. Nagkalat ang biogesic at pandesal sa daan. Ang dating mainit na tinapay ay nilamon na ng lamig.

"Putang ina", sambit ng isang pulis, "hindi ito ang hinahabol natin 'pre."

"Bakit mo kasi pinutukan agad?"

"Tumakbo eh."

"Sige, kunin mo na lang iyong karatula sa sasakyan. Sabitan natin 'to. Baka malintikan pa tayo."

"Senya na totoy...."